Sunday, January 23, 2005

chapter two "Beat of Magic"

Malakas ang tugtog kaya hirap kami magkarinigan. Nahiya akong ilapit ang ulo ko sakanya pero yun ang kelangan naming gawin upang magkarinigan. Haayyy... buti nalang maingay.

Umalis ako agad matapos kaming ipakilala sa isa't isa. Nakakahiya kasi, eh. Di ko kayang magsimula ng pag-uusap sakanya.

Sumayaw nalang ako ulit kasama sila Dadee. Pero pinagtulungang nila ako ni Bunsoy. Tinutulak nila ako papalayo sakanila at papalapit kay Santi. Isayaw ko daw. Nakakahiya kaya!

Ang di ko alam, tinutulak din pala siya ng mga kaibigan niya. Tadhana siguro... tadhana nga sana... na nagkasabay ang tulak saming dalawa. Nagkatapat kami. Tumigil nanaman ang paligid. Sumayaw kami. Nawala nanaman ang mga tao sa paligid. Kaming dalawa nalang nanaman.

Nalimutan ko kung bakit pero naglayo kami ng saglit. Lumapit ako sa mga kaibigan ko pero pinagtabuyan nanaman nila ako. Bumalik daw ako kay Santi. Sunod naman ako.

Nag-usap kaming saglit. Nagbigayan ng mga numero. Usap lang ng usap. Nahihiya parin ako pero, sa loob loob ko, gusto ko siya ulit makasayaw. Di nagtagal, magkasayaw nanaman kami.

Di ko nararamdaman ang mga matang nakatingin sa amin pero sa sayaw namin, imposibleng walang mapatitig.

Hinding hindi ko malilimutan ang sayaw naming yun. Unang beses ko kasi yun. Mga kaibigan ko lang talaga ang mga kasayaw ko. Di kasi ako komportable sa iba. Pero sakanya sobrang saya. Napaka-komportable niyang kasayaw. Iba talaga. Walang ibang tao sa mundo. Tumigil ang lahat para samin.

Pawis na pawis na kami pareho. Bigla nalang kaming ginulo ng mga kaibigan namin. Niyakap ako bigla ni Wap. Hinay hinay lang daw. Haha! Buti nalang. May papalapit kasing guro nun, eh.

Nilayo kami ng matalik niyang kaibigan sa guro. Dun na daw kami mag-usap. Patapos na rin naman ang sayawan kaya ayos lang. Inaya ko nalang siyang umupo sa gilid.

Nag-usap usap lang kami at di nagtagal ay tinawag na ko ng mga kaibigan ko para lumabas. Nagpaalam kami sa isa't isa. Ngunit paglabas, tinulak ako ni Bunsoy pabalik. Pumasok daw ako ulit at ayain nalang si Santi sumama. Lakad lakad lang daw sa labas at mag pahangin. Nahihiya ako pero napilit na rin akong bumalik. Buti nalang.

Nakita ko siya. May papalapit pang lalaki. Medyo natakot ata ako nun. Nakaramdam ako ng kaba at di ko alam kung bakit. Inantay ko nalang na matapos ang pangangamusta nilang dalawa. Saglit lang naman, eh. Tsaka na ko lumapit. Inaya ko siyang sumama sa labas at sumama naman siya. "Woohoo!" sabi ko sa sarili ko.

Magkahawak pa ang kamay naming dalawa palabas. Kahit na nahihiya ako, parang di naman ata dapat. Komportable talaga ako sakanya.

Natatawa nga ako. Dati ako ang nagtuturo kay Bunsoy na di dapat mahiya. Ako ang nagtutulak sakanyang lumapit kay Dai. Pero ngayon, ako naman ang tinutulak. Lumabas nga daw ang pagka-torpe ko. Di naman kasi ako torpe dati. Kapal ko pa nga daw, eh. Di naman ako madaling madaling mahiya dati.

Naghiwalay kami bigla nung dumating nanaman ang guro. Pinapaalis na kami. Umuwi na daw kami o maghinya nalang ng sundo sa may "gate 2". Wala na kaming nagawa kungi mag-ngitian at mag paalam ng palihim.

Tuwang tuwa si Wap dahil siya ang nagpakilala saming dalawa. Malakas pala siya manukso. Sinamahan niya si Bunsoy sa panunukso sakin. Kitang kita daw ang saya ko. Hindi daw mabura ang ngiti sa mukha ko. Abot tenga pa daw. Bekit ba? Saya ko, eh!

Naglalakad na kami nila Dadee at Bunsoy sa labas ng paaralan upang maghanap ng taxi ng tumunog ang telepono ko. Isang mensahe galing kay Santi. "Yes!"

chapter one "Magic"

Madami akong kakilala na naniniwala sa "magic". Ultimo ex ko naniniwala dun. Pero, di ko maintindihan kung ano talaga yun kahit ilang beses na sakin isinalaysay ng iba't ibang tao ang kanilang naranasan na "magic". Pinilit ko itong intindihin. Minsan, may madarama ako na aakalain kong "magic". Siguro "magic" nga yun. Pero hindi sing kawindang windang ng "magic" na naranasan ko nung gabing yun.

Ika-22 ng enero taon 2005. Isang masayang gabi. Bumisita kami ng mga kaibigan ko sa Colehiyo de Santa Rosa kung saan nagpipista sila dahil anibersaryo ng pagtataguyod ng kanilang paaralan. Sinamahan ko lang naman dapat si Bunsoy nun dahil bibisitahin niya si Dai.

Nagkaroon ng sayawan pagkatapos ng "Battle of the Bands". Lagi naman akong malikot at makulit. Mas malala nga lang nun kasi malakas ang loob ko dahil walang makakakilala sakin. Madilim kasi.

May mga pinapakilala sila Wap at Dai sakin na mga mag-aaral dun. Magaganda naman ata pero di ko masyadong binibigyang pansin. Wala pa kasi akong gana magpa-pansin sa mga babae nun. Sayaw lang talaga ang gusto ko.

Nagkataon na yung isa kong kasama, na tinatawag kong Dadee, ay nasa gana makakilala. Nakaharap sila ni Wap sa stage habang naka harap naman ako sakanila. Sumasayaw parin ako malamang. Lampas sakanila ang tingin ko. Pinapanood ko ang ibang tao. Puro mga naka-titig lang sa entablado. Wala naman masyadong sumasayaw.

Dun ko unang nakita at napansin si Santi. Naka-pula siya. Pero di ko pa siya kilala. Napansin ko lang siya. Sumasayaw kasi siya.

"Maganda rin yun," hirit ni Dadee kay Wap.

"Sino?" banat ko, "yung naka-pula? Oo nga, ang ganda."

"Anong naka-pula?! Yung kakapakilala lang satin! Sinong naka-pula sinasabi mo?"

Di ko namalayan na nakatitig na pala ako. Tiningnan ni Wap kung ano bang tinitingnan ko sa likod nila. Biglang tawa. Kakilala pala niya yung tinitignan ko. Hinila niya bigla ang braso ko sabay sabi, "Lika! Pakilala kita!"

"Teka lang! Straight ba yun?"

"Medyo... ewan ko... hindi ata."

"Wag nalang."

"Bahala ka," sabay alis papunta kina Dai.

Tinuloy ko ang pagsasayaw. Sinayawan ko nalang si Dadee kahit na nakatayo lang siya. Binababaan ko pa siya. Napalingon ako kay Santi nung bumababa ako, nakatingin siya. Inalis ko agad ang tingin ko sakanya pero binalik ko rin agad. Naninigurado siguro ako. Napatigil nalang ako. Naka-ngiti pa siya. Ang ganda niya.

Gumaan ang loob ko. Lumulutang na ata ako nun. Parang panaginip. Parang walang ibang tao. Kaming dalawa lang na mukhang sira ulong nangingitian. Ang ganda talaga niya. Parang anghel ngumiti.

Hindi ko naisip nung una pero ngayon alam ko na. Yun yung magic na sinasabi nila. Parang nawawala kayo sa mundo. Di niyo mapapansin yung ibang tao sa paligid. Yun rin kaya yung nararamdaman niya? Sana...

Ilang segundo rin ang nakalipas bako ko namalayan na mukha na pala akong tangang nakatitig. Gusto ko sanang mag-"hi!" kaso nakakahiya ata yun. Nagmadali akong pumunta kay Wap.

"Wap! Pakilala mo na ko dun sa naka-pula!"

Tinawanan niya ko't hinatak muli ang braso ko papunta kay Santi.